Gabi-gabi akong sumusubaybay sa teleseryeng "100 days to heaven" ng ABS-CBN. Kaya halos gabi-gabi din akong sumasang-ayon sa kung ano mang prinsipyo sa buhay meron si Madam ANA.
OPO! Para sa akin may punto lahat ng sinasabi ni Madam. Kung ako nabigyan ng pakakataon na magtrabaho sa kumpanya nya baka isa na akong henyo at palagay ko magiging isang napakagaling na empleyado ako kahit saan mo pa ako ilagay...(ah, opo... yon nga po ay kung hindi ako mabiktima ng linya nyang "you're fired!, kuha mo?).
Gusto kong balikan ang ilang mga pangyayari...
Unahin natin ang personal drayber nya, mali ba si Madam kung magalit sya dahil nagtetext nga naman ang drayber nya habang nagmamaneho?. E di ba nasa batas na bawal ang magtext habang nagmamaneho? Kahit ano pa man ang pinagdadaanan natin sa buhay hindi rason ito para mag tatanga-tangahan tayo sayo batas. Kaya nga may batas. Palagay ko dyan nagsisimula ang linyang "Hindi ko sinasadya". Kung nadisgrasya silang dalawa dahil sa kakatext nya malamang nakarinig tayo ng "hindi nya ko sinasadya, disgrasya lang ang nangyari". Naiintindihan ko ang drayber, pero sana alam nya ang responsibilidad nya bilang drayber.
Sa opisina, halos lahat ng empleyado galit sa kanya. Kung hindi magagalit si Madam matututo kaya sila? Ewan ko na lang, kasi ako gustong gusto ko na napapagalitan ako kasi hamon yon para sa akin. Pabor nga sa akin yon, kahit papano malalaman ko ang mali ko, ibig sabihin lang non alam ko kung ano ang dapat kung baguhin sa buhay ko. Ang pag disiplina ang nakikita kong hangarin ni Madam para sa mga empleyado nya. Para nga syang isang magulang na pinapagalitan ang mga anak nya. para lang matuto.
Para sa akin mas lalo mong mamahalin ang isang bagay at bibigyan ito ng pagpapahalaga kung pinaghirapan mo 'to. Wala namang kachallenge-challenge kapang ang boss mo ay di ka pinapakialaman. Nakakasama ng loob, oo, pero kung iisipin malaking tulong sayo ang mapagalitan. Libreng training yon.
Naniniwala akong si madam ay nagsasabi lang ng totoo at may hangaring tumulong sa mga tao. Matataas lang talaga ang pride ng mga tao ayaw masampal ng katotohanan. Gusto nating maging maayos ang mga bagay-bagay sa paligid natin pero kontra naman ang lahat sa pagkakaroon ng bataas. Ayaw sa salitang penalty o di naman kaya ay sa consequence... Lahat gusto ng madaling buhay.
At isa pa... Sang ayon ako kay Madam na sa mundong ibabaw wala kang dapat asahan kundi ang sarili mo. Wala kang dapat pagkatiwalaan kundi sa sariling kakayahan na maipagtanggol ang sarili. Walang ibang magmamahal sayo ng totoo kundi ang sarili mo lang. Kasi lahat nagsisimula sa SARILI natin. Paano ka pagkakatiwalaan, patatawarin, aasahan, at mamahalin ng ibang tao kung hindi mo ito kayang gawin sa sarili mo? Sarili mo nga di mo kaya, ibang tao pa kaya?
Aminin na natin, tama si madam... lalamunin tayo ng sarili nating katangahan. May mga tao dyan sa paligid natin na akala mo kung sinong santo na tatahimik pero sa loob naman ang kulo. Nagkataon lang na si Madam ay madaldal at sinasabi lahat ng mga naiisip nya. May mga tao dyan, tahimik... akala natin mabait pero mas masama pa nga kay madam.
Kung meron man akong di nagustuhan sa kanya yon ay ng ipinamigay nya ang sarili nyang anak. Pero magbabago naman sya sa huli di ba? Bigyan natin sya ng pagkakataong magbago...
Sa ngayon, hanga pa rin ako sa prinsipyo ni Madam....
No comments:
Post a Comment